"Samantala, ikalawang saysay ng sandali ng pagbabasa ang mismong espasyong pinaglalathalaan ng nobela , ang materyalidad ng magasin, na kung pananaligan ang ilang mga teoryang higit na saykoanalitikal ay maaaring nakaaapekto sa resepsiyon sa mismong akda. Ibang karanasan ang tuloy-tuloy na pagbuklat ng pahina ng isang nobela na nakaaklat. Kamakailan, lumikha rin ng malaking usapin sa sandali ng pagbabasa ang introduksiyon ng Amazon Kindle, isa sa mga itinuturing na pinakamalaking rebolusyon sa sistema ng pagbabasa nitong nagdaang mga taon. Subalit sa serialisasyon ng nobela sa magasin, binabasa ito kasalitan ng balitang pandaigdig at pambansa, balitang isports at showbiz, horoscope, jokes, puzzle, padalang liham ng mga kababayan natin mula sa ibang bansa, payong pangkalusugan, recipe, maiikling"
[10] |